Now Reading
Buwan ng (Mga) Wika: Ginagamit Mo Ba ang Mother Tongue Mo?

Buwan ng (Mga) Wika: Ginagamit Mo Ba ang Mother Tongue Mo?

[video src="https://www.youtube.com/watch?v=F4_IMf9TzyY"]

Litrato ni Mimi Thian mula sa Unsplash

 

Agosto. Buwan ng Wika. Uso na naman ang mga Tagalog slogan contest sa mga paaralan. Hindi rin papahuli ang social media; nagkalat na sa newsfeed ang mga infographic tungkol sa kaibahan ng “nang” at “ng,” at kung paanong mas komplikado ang balarila at syntax ng Filipino kumpara sa English.

Ngayong opsyonal na lang ang pag-aaral ng Filipino sa kolehiyo, nakatutuwang makita ang mga ganoong contest o post. Paalala na rin ‘yun na kailangan pa ring pagtibayin ang pagiging matatas natin sa Filipino. Iilan na lang kasi sa ’tin ang kayang magsalita nang dire-diretsong Filipino. Mas sanay na tayo sa Taglish.

Pero bukod sa Filipino, alam ninyo bang may iba pang wika sa Pilipinas na nanganganib na maglaho?

Walang bantang alisin sa kurikulum ang native languages o mga katutubong wika. Kung tutuusin, may Mother Tongue-Based Education hanggang Grade 3. Pero dahil halos kakaunti na lang ang nagsasalita gamit ang kanilang mother tongue o katutubong wika, posibleng maglaho ang mga ‘to sa mga susunod na taon.

Sa 130 na Wika, 39 ang Nanganganib


Litrato ni Yannes Kiefer mula sa Unsplash

 

Sa tala ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF), may 130 na wika sa Pilipinas, at 39 sa mga ito ay maituturing na “endangered.”  Kabilang na rito ang Agta sa Bataan at Batak sa Palawan, pati na rin ang Kapampangan at Pangasinan. Kaya naman ngayong buwan, ipinagdiriwang ng KWF ang lahat ng ating mga wika.

“Kapag naglalaho ang isang wika, tila may isang tahanan o kamalig ng ating alaala at tradisyon ang mawawala at di na mababawi kailanman,” pahayag ni Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan at tagapangulo ng KWF, sa pagbubukas ng Buwan ng Wika.

Imahe mula sa Lopez Museum and Library

 

Sang-ayon ako rito.

May mga karanasan akong maisasalarawan ko lang gamit ang aking mother tongue na Filipino. Mahirap itong isalin sa English o ibang wika. Halimbawa na lang ang mga salitang “kilig” at “usog.” Wala silang direct translation sa English. May mga salitang maaaring makapaglalarawan sa kanila, tulad na lang ng “butterflies in your stomach” para sa “kilig” pero madalas, hindi sapat ang mga ito.

Kaya nga lang, ngayong panahon ng globalisasyon, mahirap i-preserve ang mga wika, kasabay ang ilang tradisyon natin. Mas hinahanda ang mga kabataan natin na makipagsabayan o makipagtunggali sa global market. Mas angat ang layunin na maging mahusay tayo sa English kaysa sa mother tongue natin.

 

Litrato mula sa Pexels: Kuha ng Joe Digital & Co.

 

Hanggang Grade 3 lang ang Mother Tongue-Based of Multilingual Education (MTB-MLE). Para sa mga nasa Grade 4 pataas, ang language of instruction ay Filipino at English.  At heto pa, marami sa mga paaralan sa iba’t ibang sulok ng bansa ang may “Speak in English” policy. Kahit nasa hallway o nasa canteen ka, basta’t nasa school grounds ka, kailangan mong magsalita ng English kundi may multa.

“Nung nasa grade school pa ako, may alkansya kami sa silid-aralan, tapos kailangan mong maglagay ng singko ‘pag nadakpan ka na nag-binisaya. Pwede bang alisin na ‘yan? We must allow students to describe someone as “samok,” because annoying or nakakainis just doesn’t cover it,” sagot ni Dominique La Victoria, mandudulang nagsusulat sa Binisaya (Sebwano), Tagalog, at English, sa isang panayam.

Walang mali kung gumamit ng English o Filipino para magkaintindihan ang mga batang may iba’t ibang mother tongue. Pero tingin ko, may malaki tayong problema kapag nasimulang i-associate ng isang bata ang pagsasalita ng Kapampangan, Bisaya, o Subanon sa isang parusa.

Pwede namang maging multilingual nang hindi nakakalimutan ang kinagisnang wika.

Pilit namang pinupunan ng ilang mga makabagong manunulat, mga propesor, akademya, at iba’t ibang institutusyon ang pagkukulang sa pag-aaral o paggamit ng wikang katutubo sa mababang paaralan.

Nariyan ang Adarna House, Lampara, at iba pang publisher na naglilimbag ng mga aklat pambata na nakasulat sa Filipino at ilang mga katutubong wika na may salin sa English at Filipino bilang gabay sa mga guro, magulang, at batang mambabasa. Nariyan din ang mga inisyatibo sa iba’t ibang rehiyon.

Pagpapalakas sa mga Wika sa Iba’t Ibang Rehiyon

 

“Buhay ang panitikan sa Kinaray-a at may mga bagong henerasyon ng manunulat . . . Malakas din, sumasabay sa mga gawain sa panahon gamit ang teknolohiya at digital publishing, ang mga manunulat at grupo ng mga manunulat sa Hiligaynon. Nariyan ang independent publishing house na Kasingkasing Press na sunod-sunod sa paglabas ng mga libro at chapbook. Sa madaling sabi, hindi natin hahayaang mamamatay ang ating mga wika,” pahayag ni Dr. Genevieve Asenjo, isa sa mga tanyag na manunulat mula sa Kanlurang Visayas at pangulo ng Dept. ng Panitikan sa Kolehiyo ng Malalayang Sining sa DLSU.

Ibinihagi rin ni Dr. Asenjo ang iba’t iba pang inisyatibo ng kanilang departamento para mapayabong ang iba’t ibang katutubong wika sa rehiyon ng Visayas. May mga writing workshop sila para sa Kinaray-a, Hiligaynon, at Waray na naglalayong maglinang ng mga bagong henerasyon ng mga manunulat.

“Sa paglipas ng panahon, masasabi kong unti-unti nang nababawasan ang diskriminasyon sa mga iba pang wika sa bansa. Kailangan na lamang ng marami pang inisyatibo at mga tao na tataguyod nito, at funding,” dagdag niya.

Sang-ayon si Noel G. De Leon, manunulat at tagapagtatag ng Kasingkasing Press, sa mga inisyatibo ng mga akademikong institusyon. Pero may hamon din siya sa mga ito, lalo na sa mga nasa ibang rehiyon.

“Lumabas ng akademya, kausapin ang mga ordinaryong tao, gamit ang kanilang wika, isulat ang gusto ng publiko ngunit isipin palaging itaas ang paraan ng kung paano pag-aaralan at pag-uusapan ang anumang bagay tungkol sa wika at kultura . . . Panahon na para isipin ang mga nasa labas ng akademya.”

Mga Katutubong Wika — Bigyan ng Plataporma

Imahe mula sa Cinemalaya.org

 

Maraming mga manunulat, filmmaker, mandudula, at ibang indibidwal ang tinatanggap ang hamong ilabas sa akademya ang pagpapayabong sa mga katutubong wika. Nito ngang nagdaang Cinemalaya Awards Night, nag-uwi ng maraming tropeo (asama na ang Best Film) ang pelikulang “John Denver Trending.”

Nakasulat ang pelikula sa wikang Kinaray-a, dinirehe ni Arden Rod Condez na isang Karay-a, at pinagbidahan ng mga artistang tubong Antique. Bagaman may subtitles ang pelikula para maintindihan ng mga hindi nagsasalita ng Kinaray-a, naipamalas pa rin nito ang kultura, danas, at wika sa Antique sa modernong panahon. Maituturing itong isang malaking tagumpay para sa mga katutubong wika.

Pero minsan, kahit walang pagsasalin, basta’t nasa naaayong plataporma, maipararating ng isang manunulat ang kuwento niyang nakasulat sa katutubong wika sa mga non-speaker. Saksi rito ang mandudulang si Dominique La Victoria.

“Nu’ng 2013, isinabuhay ng Virgin Labfest ang dula ko na ‘Chipline,’ grabe mabuang ko sa nerbyos ato—full Binisaya kasi yun. Takot ako na baka kailangan ng subtitles, kasi nu’ng gabi bago magbukas ang show, ‘yun ang payo pero di sinunod ng direktor ko. My observation? Sa unang limang minuto, parang nalilito ang tagapanood: kinakausap ang katabi kung ano ang kahulugan. But eventually, the noise died down. Once everyone shut up and actually listened, they understood. I found that experience magical,” ani La Victoria.

Bagama’t may mga ganitong tagumpay para sa mga katutubong wika, nariyan pa rin ang iba’t ibang balakid para tuluyang mapalago ang mga regional film, play, at iba pang mga akda.

“Distribusyon. Ito ang isang pangunahing isyu. Sa kaso ng mga libro, kahit nga para ipa-consign sa probinsya, mahirap pa rin mag-iwan. In short, kailangan din ng pagbabago sa kultura o pag-iisip, halimbawa na lamang, sa pagbili ng libro, lalo na sa pagbabasa nito side by side digital media at pag-usad ng technology na nagre-rewire din ng ating utak,” pagbabahagi ni Dr. Asenjo.

Sa kabila ng mga ito, marapat lang na ipagpatuloy ng mga manunulat ang paggamit ng mother tongue.

“Kapag nagsusulat tayo sa wikang mas alam natin, at kinagisnang wika ang ibig kong sabihin rito, hindi lamang tayo nagiging magaling na manunulat, kundi nagiging higit na tao tayo dahil nagkakaroon ng puso at utak ang ating wika na siyang dapat taglayin ng anumang uri ng sulatin. Huwag tayong matakot sumulat gamit ang wikang Hiligaynon, Kinaray-a, at Akeanon, daan ito upang mapagtagumpayan natin ang piniling larang na sumasalamin sa ating pagkakakilanlan,” paalala ni Noel.

Hamon sa Lahat: Buhayin ang mga Wikang Atin

Litrato mula sa Talasalitaan PH

 

Hindi lang dapat sa kamay ng mga manunulat ang responsibilidad na patuloy na gamitin ang mga wikang atin. Nasa mga magulang din ito. Lalo na roon sa mga tumigil nang kausapin ang kanilang mga anak sa katutubong wika, sa takot na mahuli ang pag-unlad ng mga ito sa klase o trabaho.

Nasa gobyerno’t ahensya rin ang hamon na buhaying ang mga wikang atin. Gumawa ng mas maraming ordinansa at maglaan ng mas malaking pondo para sa pagpapayabong ng mga katutubong wika.

Hinihimok din nito ang mga negosyante. Magsulong ng mga brand na ipinagbubunyi ang wika, kultura, tradisyon, at danas ng mga taong nasa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas, at iparating ito sa masa.

At higit sa lahat, pagsubok ito sa bawat indibidwal — na gamitin sa araw-araw ang mother tongue nila. Magsalita at magsulat gamit ito, sa social media man o sa personal na pakikipag-usap.

“Sa katapusan ng lahat, Pilipino pa rin tayo. We are a nation of more than a hundred languages, but we can understand each other kung mabibigyan lang ng pagkakataon,” dagdag ni Dominique La Victoria.

Muli, hindi isyu kung matatas tayo sa wikang banyaga. Ang higit na mahalaga ay hindi mapag-iwanan o tuluyang mamatay ang ating mga katutubong wika ngayong nasa panahon tayo ng patuloy na pag-unlad.

 

 

What's Your Reaction?
Excited
0
Happy
0
In Love
0
Not Sure
0
Silly
0
View Comments (0)

Leave a Reply

Your email address will not be published.


© 2024 ModernFilipina.ph. All Rights Reserved. Site by Truelogic and SEO.com.phglam-logo-new

Scroll To Top